KEY MESSAGE

Tuesday, June 3, 2014

Sinabihan ka ng "Tanga!" Ano ang gagawin mo?

'Yung kausap mo, bigla kang sinabihan ng "Tanga!".

Teka. 'Wag ka muna mag-react. Hinto ka muna. Isip. Sabi nga, "Pause and think".

Ang tawag sa situwasyon mo, "adversarial" communication. Pag-uusap na medyo kulang sa pag-uunawaan. Puwedeng hindi nagkakaintindihan.

Ang kausap mo, puwedeng mahirap din intindihin. Mahirap pakisamahan. Sa ingles, "difficult person".

Bago ka mag-react sa nadinig mong masakit na salita, gawa ka muna ng ilang desisyon.

Una, decide ka: sasagot ka pa ba?

Pangalawa, decide ka: kung sasagot ka pa, paano at ano ang sasabihin mo?

SASAGOT KA PA BA?

Puwedeng oo, puwedeng hindi. Kung anuman ang piliin mo sa dalawa, dapat malinaw ang dahilan.

Puwedeng hindi sumagot? Oo naman. Halimbawa, ang taong nagsabi ng masakit sayo, wala namang kinalaman sa mahahalagang bagay sa buhay mo. Sabi nga, irrelevant. Hindi mo siya stakeholder. 'Pag ganun, puwedeng umalis ka na lang nang walang sinasabi. Sabi nga ni Matt Monro, "walk away". Sabi nga ni Allan K., "Vavuh!"

Strategy ang "walk away". Magandang strategy. Kasi, 'pag nag "walk away" ka at nagsalita pa din si Difficult Person, sino ngayon ang … ? Alam mo na 'yun.

Puwedeng sumagot? Oo naman  din. Dapat malinaw sa isip mo ang "bakit pa ako sasagot?".

May magandang dahilan para sumagot. Ang dahilan - importante kasi sa buhay mo si Difficult Person. Stakeholder mo siya. May kinalaman siya sa tagumpay mo sa trabaho, sa propesyon o sa personal na buhay. Ayaw mong magkasira kayong dalawa.

Kasi, 'pag nagkasira kayong dalawa, pareho kayong …, 'di ba? Alam mo na 'yun.

PAANO SASAGOT?

May tatlong paraan. Ikaw ang mag-decide kung alin ang tama sa pagkakataong 'yun.

Una, "contain". Ibig sabihin, ang sagot mo, hindi na papalalain ang init ng ulo ni Difficult Person.

Pangalawa, "confront". Ibig sabihin, gusto mong makita niya na mali at masama ang sinabi niya.

Pangatlo, "control". Ibig sabihin, ikaw ang magdala ng pagpapatuloy ng usapan para pumunta ito sa isang maayos na pagkakasundo at solusyon. Reconciliation and resolution, sabi nga sa ingles.

CONTAIN

Isang example ng "contain" answer: "Sa tingin ko, napainit ko ang ulo mo. Marahil ay may nagawa akong hindi maayos sa pandinig mo. Humihingi ako ng paumanhin. 'Pag ready ka na, mag-usap ulit tayo."

'Pag nagdadaldal pa si Difficult Person, ulitin mo ang sagot nang mas banayad (gentle) at mas marahan (slower) ang boses mo.

CONFRONT

Example ng sagot na pang-confront: "Masakit ang sinabi. Sa tingin ko, hindi mo dapat sinabi sa akin 'yun. I would appreciate an apology. At 'pag ready ka na, mag-usap ulit tayo".

Teka muna. Dapat ang boses mo dito, banayad at marahan din, ha. Kahit confront 'yan. hindi puwede diyan ang taray. Hindi ka si Kris, noh!

'Pag nagsalita pa si Difficult Person, ulitin mo lang ulit ang sinabi mo. Lalo pang marahan. Lalong pang banayad. Pero may konting diin.

Sa "contain" sinalo mo ang init. Sa "confront", ibinalik mo ang init sa pinanggalingan - kay Difficult Person.

Pero sa kanilang dalawa, wala kang isinarang pinto. Bukas pa din ang pag-uusap. Kasi nga, importante ang relasyon ninyo. At ayaw ninyo parehong maging …, 'di ba? Alam mo na 'yun.

CONTROL

Example ng "control" answer: "Sa tingin ko, nalalayo ang usapan natin sa ating original goal. Ang suggestion ko is magpalamig muna tayo. At 'pag malamig na pareho ang ulo natin, i-review natin ang goal natin at pag-aralan natin kung papaano tayo makaka-move forward".

Ganun din - 'pag nagsalita pa si Difficult Person, ulitin mo lang ang sagot mo.

Sa "control" walang pasahan ng init. Hindi mo sinalo. Hindi mo ibinalik. Ang focus, sa "original goal" at sa "moving forward". Hirap, 'di ba? Kaya sa "control" strategy, kailangan may control ka din sa emotions mo. Kailangan, malinaw sa isip natin na mas importante ang goal and moving forward mesa sa Pride. Ang Pride, magaling lang sa pagpapaputi ng damit pero walang kuwenta sa pag-uusap nang maayos.

Ayan. Tatlong paraan.

Ikaw pumili kung alin ang mas bagay sa pangyayari.

Alinman sa tatlo, garantisado - hindi ikaw ang …, 'di ba?

Alam mo na 'yun.




3 comments: